-- Advertisements --

Pumalo pa sa 261 ang kabuuang bilang ng mga namatay dahil sa sakit na tigdas.

Sa pinakahuling report mula sa Department of Health (DoH), lumobo pa sa 16,349 ang mga napaulat na tinamaan ng sakit mula noong Enero 1 hanggang Marso 2 sa buong bansa.

Nakapagtala rin umano sila ng kabuuang 1,411 kaso ng tigdas mula Marso 1 hanggang Marso 2.

Sa nasabing bilang, nangunguna ang Calabarzon sa may pinakamaraming nagkasakit ng tigdas sa 3,877 kung saan 78 rito ang nasawi.

Sinusundan ito ng National Capital Region (NCR) na mayroong 3,617 kaso at 76 patay.

Saad pa ng kagawaran, nasa pagitan ng isa at apat na taong gulang ang pinakaapektadong age group kung saan mayroon nang 4,911 kaso at 124 na namatay.

Pumangalawa naman ang mga pasyenteng siyam na buwang gulang pababa na 4,222 kaso at 99 nasawi.

Sang-ayon pa sa ahensya, hindi rin nabakunahan ang 209 katao o 20 porsyento ng nasawi sa tigdas, at 9,975 katao o 61 porsyento na nahawaan ng sakit.

Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo kay Sec. Francisco Duque III, tuloy-tuloy umano ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang anak ng anti measles vaccine para siguruhing ligtas ang kanilang mga anak.

Tiniyak ng opisyal na ligtas ang bakuna kontra tigdas at hindi raw ito kagaya ng Dengvaxia vaccine na nagdulot ng pangamba at epekto sa iba pang bakuna sa bansa dahil hindi ito ligtas gamitin.