Umakyat na sa 172 ang bilang ng mga napaulat na patay dahil sa pananalasa ng tropical cyclone Agaton hanggang araw ng Linggo, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Managament Council (NDRRMC).
Sa kanilang report kaninang alas-8:00 ng umaga, sinabi ng NDRRMC na 156 sa mga nasawi ay napaulat sa Eastern Visayas, 11 sa Western Visayas, tatlo sa Davao Region, at dalawa naman sa Central Visayas.
Sa napaulat na namatay, 12 pa lang rito ang confirmed ng NDRRMC, kung saan 11 rito ay mula sa Western Visayas at isa naman ang sa Eastern Visayas.
Mayroon namang 110 iba pang mga indibidwal na napaulat na nawawala, kung saan 104 ang mula sa Eastern Visayas, lima ang mula sa Western Visayas, at isa naman ang mula sa Davao Region.
Sa 110 reported mission, anim na kaso ang kumpirmado ng NDRRMC, kung saan lima ang mula sa Western Visayasa at isa naman sa Davao Region.
Mayoong walong katao ang napaulat na sugatan, kung saan apat dito ang mula sa Soccsksargen, dalawa ang mula sa Northern Mindanao, at isa naman sa Central Visayas at Davao Region.
Ang kumpirmadong bilang ng NDRRMC na mga sugatan ay anim.
Sa kabilang dako, sinabi ng ahensya na kabuuang 2,015,643 people o katumbas ng 583,994 pamilya ang apektado nang pananalasa ng Bagyong Agaton sa 2,419 barangay sa Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro.
Mayroon namang 207,572 displaced individuals o katumbas ng 58,492 pamilya na nananatili pansamantala sa mga evacuation centers, habang 188,348 displaced individuals o 110,741 pamilya ang nakikisilong muna sa kanikanilang mga kaanak.
Pumalo sa 10,393 bahay ang napinsala dahil sa bagyo.
Samantala, ang halaga ng pinsalang iniwan ng naturang bagyo sa sektor ng agrikultura ay pumalo sa P249,826,730.06 sa Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Soccsksargen, at Bangsamoro.
Ang halaga na ito ay mas mababa kung ikukumpara sa P703.3 million agricultural damage na iniulat naman ng Department of Agriculture kahapon, Sabado.
Tinatayang P6,950,000 naman ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura matapos na hindi madaanan noong mga nakaraan ang nasa 69 na kalsada at siyam na tulay sa Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, at Caraga.