DAVAO CITY – Tumaas ang bilang ng mga nasawi sa nangyaring landslide noong Pebrero 8 sa Zone 1, Barangay Masara, Maco, Davao de Oro.
Sa datos na inilabas ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office as of February 12, 68 na bangkay na ang na-retrieve.
Habang 62 ang unang naiulat na nananatiling nawawala, at 32 ang naiulat na sugatan.
Nauna nang iniulat ng Public Information Office sa Davao de Oro na nasa 30 hanggang 50 metro ang lalim sa ground zero, habang karamihan sa mga bangkay ay hinukay sa lalim na 40 hanggang 20 metros.
Dinala na ang mga bangkay sa incident command post para isailalim sa post-mortem examination.
Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga nasawi, umaasa ang PDRRMO sa lalawigan na mailigtas ang maraming survivors na natabunan sa gumuhong lupa sa nasabing lugar.
Ayon kay Joseph Randy Loy, PDRRMO head, isinasaalang-alang pa nila itong search, rescue, and retrieval dahil sa maraming buhay na kailangang iligtas.
Nauna nang iniulat ng tanggapan na may 55 kabahay ang natabunan sa gumuhong lupa sa mismong lugar.
Sinabi rin ng opisyal na ang chance of survival ng mga residente ay nakasalalay pa rin sa posibleng suplay ng hangin o pockets ilalim mismo sa ground zero.