Umakyat na sa 50 ang bilang ng mga indibidwal na nasagip ng Philippine Coast Guard at ilang lokal na mga mangingisda mula sa lumubog na motorbanca sa katubigang sakop ng Barangay Pilar sa San Antonio, Northern Samar.
Mula sa naturang bilang nasa 41 sa mga ito ang pawang mga pasaherong lulan ng nasabing bangka, habang ang natitirang siyam naman ay mga crew members ng naturang motor boat.
Sa ulat ng PCG, lahat ng mga pasahero at tripulante ng naaksidenteng motobanca ay nasa mabuting kalagayan na ngunit apat sa mga ito ay kinakailangan pa ring mabigyan ng atensyong medikal.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operations para sa lumubog na MBCA SPIRIT.
Kung maalala, batay sa ulat ng mga otoridad naglayag mula sa Victoria, Northern Samar ang naturang motorbanca at magbababa sana ng mga pasahero sa San Vicente nang hapasin ito ng malakas na mga pag-alon na nakapinsala sa nasabing bangka at naging sanhi ng paglubog ng kalahating bahagi nito.