Umakyat pa sa bilang na 33 ang mga naiulat na nasawi dahil sa mga low pressure area, northeast monsoon, at shearline mula noong Enero 1, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon sa ulat ng ahensya, 11 sa mga naiulat na namatay ay nasa Zamboanga, walo sa Northern Mindanao, pito sa Eastern Visayas, lima sa Bicol, at tig-isa sa Davao at Soccsksargen.
Sa ngayon, 18 pa lamang sa mga naiulat na nasawi ang nakumpirma.
Hindi bababa sa pito ang naiulat na nawawala habang 12 ang naiulat na nasugatan dahil sa epekto ng masamang panahon.
Hindi naman bababa sa 1,672 na bahay ang iniulat na nasira – 1,145 ang partially damaged at 527 ang totally damaged.
Naiulat ang pinsala sa agrikultura na nagkakahalaga ng P414,347,212 at sa imprastraktura na nagkakahalaga ng P206,956,824.
Nag-ulat din ang National Irrigation Administration ng mahigit P25.6 million halaga ng pinsala.
Ayon pa sa ahensya, mahigit P86.8 Million na ang naibigay na tulong sa mga biktimang nasalanta.
Una na rito, idineklara na ang state of calamity sa 59 na lungsod at munisipalidad na naapektuhan ng ng masamang panahon.