Umakyat na sa 20 ang napaulat na nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Agaton hanggang kaninang umaga, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa kanilang 8:00 am report, sinabi rin ng NDRRMC na 14 sa mga nasawi ay napaulat sa Eastern Visayas, tatlo ang sa Central Visayas, at tatlo pa ang mula sa Davao Region.
Ang 14 na napaulat na nasawi ay mula sa Baybay City, Leyte kung saan mayroong gumuhong lupa; tatlo ang mula sa Negros Oriental; dalawa ang sa Monkayo, Davao de Oro; at isa naman sa Cateel, Davao Oriental.
Pero nililinaw ng NDRRMC na ang bilang na kanilang inilabas kaninang umaga ay hindi pa opisyal dahil hinihintay pa nila ang official documentation naman sa search and rescue opeartions sa Baybay.
Sa kabilang dako, isang katao ang napaulat na nawawala sa Monkayo, Davao de Oro.
Anim naman ang bilang ng mga kumpirmadong sugatan, kung saan dalawa ang mula sa Northern Mindanao at apat naman sa Soccsksargen.
Sa ngayon, nasa 139,146 katao o katumbas ng 95,741 pamilya ang apektado ng pananalasa ng Bagyong Agaton.