-- Advertisements --

Umabot na sa walong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi matapos ang naging enkwentro ng militar at mga rebelde sa Barangay Gatuslao, Candoni, Negros Occidental.

Batay sa datos ng 15th Infantry Battalion ng Philippine Army, matagumpay nilang na neutralized ang nalalabing bilang ng mga rebelde na bahagi ng Southwest Front ng Komiteng Rehiyon-Negros, Cebu, Bohol, at Siquijor.

Sa unang tala, aabot sa pito ang nasawi dahil sa matinding bakbakan na tumagal ng walong minuto.

Narekober ng militar sa pinangyarihan ng engkwentro ang ilang 45 caliber pistol, dalawang improvised explosive devices (IEDs), dalawang commercial radios, bandolier, 16 backpacks, at subversive documents.

Wala namang naitalang nasawi o nasugatan sa tropa ng gobyerno at kaagad namang nagdeploy ang Philippine Army ng karagdagang units sa lugar.

Ang pinakahuling nasawi ay tuluyang nalagutan ng hininga noong Linggo.

Tiniyak naman ng Philippine Army na magpapatuloy ang kanilang pagsasagawa ng mga operasyon laban sa mga rebelde.