-- Advertisements --
Makikita ang pinsala mula sa paghagupit ng Tornado noong Sabado, Marso 15, 2025 sa Wayne County, Mo. / AP Photo/Jeff Roberson

Umabot na sa 34 katao ang mga nasawi sa Estado Unidos matapos manalansa ang malakas na buhawi na puminsala sa mga kabahayan, paaralan at mga semi-tractor trailer.

Tumaas ang bilang ng mga namatay nang iulat ng Kansas Highway Patrol na walong tao ang namatay sa isang highway pileup dulot ng isang dust storm sa Sherman County noong Biyernes habang mahigit 50 sasakyan ang sangkot sa aksidente.

Nabatid na umabot sa 60 mph ang bugso ng hangin sa Shelby, Tennessee, ayon sa National Weather Service (NWS).

Sa estado naman ng Mississippi, inihayag ni Governor Tate Reeves na anim na tao ang namatay sa tatlong county kabilang ang tatlo pang nawawala. Ayon din sa kanya, mayroong 29 na nasugatan sa buong estado.

Nakapagtala naman ang estado ng Missouri ng pinakamataas na bilang ng mga nasawi, na hindi bababa sa 12 katao mula sa mga scattered twisters na dumaan magdamag. Isa sa mga biktima ay isang lalaking winasak ang bahay nang nag-ngangalit na tornado.

‘It was unrecognizable as a home. Just a debris field,’ sabi ni Coroner Jim Akers ng Butler County, na naglalarawan ng sinapit ng mga rescuer.

‘The floor was upside down. We were walking on walls.’ dagdag nito.

Inuulat rin sa Arkansas ng mga opisyal na tatlong tao ang nasawi sa Independence County, at 29 iba pa ang nasugatan sa walong mga county.

Naglabas naman ng mga babala ang NWS ukol sa mga flash flood at pagguho ng lupa na maaring manalansa sa central Mississippi, eastern Louisiana, western Tennessee, pati na rin sa ilang bahagi ng Alabama at Arkansas, habang patuloy na makakaapekto ang masamang panahon sa ilang bahagi ng Estados Unidos.

Ayon pa dito na maraming malalakas na tornado pa ang asahang darating, na tinukoy ng ahensya bilang “particularly dangerous”.