Lalo pang tumaas ang bilang ng mga nasawing indibidwal sa pananalasa ng bagyong Yagi sa ilang mga bansa sa Southeast Asia.
Batay sa datos na inilabas ng ASEAN Coordinating Center for Humanitarian Assistance, mahigit 500 katao na ang namatay dahil sa mga mabibigat na pag-ulan, pagbaha at pagguho ng lupa at mga gusali kasunod ng pananalasa ng malakas na bagyo.
Sa bansang Vietnam, naitala ang pinakamaraming bilang ng mga nasawi na umabot na sa halos 300 katao.
Sa Myanmar, naitala na rin ang 226 kataong nasawi habang nananatiling missing ang kabuuang 77 katao.
Sa bansang Thailand, umabot sa 42 katao ang kumpirmadong nasawi, 21 sa Pilipinas, at apat sa Laos.
Ayon pa sa ahensiya, milyon-milyong katao ang naitalang apektado sa pagdaan ng naturang bagyo kung saan sa Myanmar pa lamang ay umabot na sa 3.4 katao ang inilikas.
Bagaman nitong nakalipas na linggo pa nanalasa ang naturang bagyo, nagdulot ito ng mahaba-habang mga pagbaha sa iba’t-ibang bahagi ng mga naturang bansa at sinundan din ng mga monsoon rain.
Hanggang sa ngayon, pinaghahanap pa rin ang ilang kataong una nang napaulat na missing.
Ilang mga mahahalagang istruktura rin ang nasira tulad ng mga kalsada, tulay, power tower, at mga telecom tower, kasama na ang libo-libong mga religious building, eskwelahan, at mga government office.