Lumabas sa findings ng Commission on Audit (COA) na lagpas sa “acceptable threshold” ang nasayang na COVID-19 vaccines sa ilalim ng vaccination program ng gobyerno.
Sa special audit report na isinagawa ng komisyon mula Mayo 2023 hanggang Enero 2024 sa national inoculation campaign against COVID-19, nadiskubreng nasa kabuuaang 68,681,445 doses sa imbentaryo ang hindi nagamit dahil sa pagtanggap ng mga malapit ng magpaso na mga bakuna at operational mishandling.
Ito ay katumbas ng 27% ng 251.8 million COVID-19 vaccines na binili ng gobyerno o ng mga lokal na pamahalaan o donasyon ng ibang mga bansa o foreign organizations.
Ang porsyentong ito ay mas mataas sa ideal na 25% na itinakdang “wastage allowance” ng Gavi, isa sa mga organisasyong bumubuo ng COVAX facility na nagbibigay ng COVID-19 vaccines sa developing countries sa ilalim ng cost-sharing scheme.
Ilan sa mga bakunang nasayang ay lagpas na sa kanilang shelf life na nasa 57.3 million doses o katumbas ng 83% habang ang nalalabi naman ay may depekto, discoloration o may presensiya ng particulate matter, dahil sa temperatura, kalamidad at sunog.
Pinakamaraming bilang ng mga bakunang nasayang ay mula sa AstraZeneca, Gamaleya, Janssen at Moderna vaccines.
Samantala, kinilala naman sa report ng COA ang mga hamon na nakasagabal sa national vaccination program ng gobyerno kabilang na ang vaccine hesitancy ng publiko, mga isyu sa logistics at hindi magandang kasanayan sa pamamahala sa mga bakuna.