Nadagdagan pa ng 23 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok ilang araw bago ang pagsalubong ng New year.
Batay sa datos mula sa Department of Health (DOH) mula kahapon, Dec. 26 hanggang ngayong araw, Dec. 27, ang mga bagong biktima ng paputok ay edad 6 hanggang 55 taong gulang kung saan 20 dito ay kalalakihan at 3 babae.
Lahat ng bagong insidente ng fireworks-related injuries ay nangyari sa bahay o sa kalsada na karamihan ay dulot ng paggamit ng mga illegal fireworks.
Nadagdagan naman ng 2 bagong kaso ng amputations kung saan ang mga biktima ay 2 binatilyo matapos magpaputok ng pla-pla na nagresulta naman ng pagkaputol ng kanilang daliri.
Nilinaw naman ng DOH na isang napaulat na kaso ng amputation kahapon ay misreported kung kayat nasa 4 lang ang kumpirmadong kaso ng amputations kahapon. Sa kabuuan, ang bilang ng amputations ngayong holiday season ay pumalo na sa 6.
Bunsod nito, umakyat na sa kabuuang 75 ang fireworks-related injuries sa buong Pilipinas ngayong taon kung saan 6 mula sa bawat 10 biktima ng paputok ay mula sa NCR, Central Luzon at Ilocos Region
Muli namang nagpaalala ang kagawaran na hindi laruan ang mga paputok at pinayuhan ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak upang makaiwas sa pinsalang dulot ng mga paputok.