Umabot na sa 61 ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Lebanon na napauwi dito sa Pilipinas.
Ito ay kasabay pa rin ng ginagawang pagpapauwi ng pamahalaan sa mga OFWs na nakabase sa naturang bansa, kasunod ng pinangangambahang maapektuhan ang mga ito dahil sa pagsali ng grupong Hezbollah sa labanan sa pagitan ng Israel at grupong Hamas.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), pinakahuli sa mga napauwi ay ang batch ng 19 Pinoys na dumating sa Pilipinas noong araw ng Sabado, Dec2.
Ayon kay DMW Officer-in-Charge, Usec. Hans Leo Cacdac, tuloy-tuloy pa rin ang pag-alalay ng pamahalaan sa mga Pinoy na nakabase sa naturang bansa upang tuluyan na silang mapabalik sa Pilipinas.
Tiniyak naman ng opisyal ang tulong na ipamimigay sa mga OFWs na nais na ring bumalik sa Pilipinas, katulad ng mga nauna nang nakauwi dito.