KALIBO, Aklan – Nabawasan ang bilang ng mga pasaherong sumasakay sa motorbanca papunta sa isla ng Boracay ngayong buwan ng Disyembre.
Sa datos ng Philippine Coast Guard (PCG)-Caticlan mula Disyembre 1 hanggang 19, nasa 6,385 lamang na pasahero ang naitala sa Caticlan at Tabon ports.
Mababa ito ng 95% kumpara sa mahigit sa 150,000 na bisita sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay CPO Jackie Lou Ang ng PCG-Caticlan, maaring dahil ito sa patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Wala umanong problema sa bilang ng mga bumibiyaheng motorbanca.
Samantala, tiniyak naman ni Ang na nasusunod ang basic health protocols kagaya ng pagsusuot ng facemasks at face shields bago ang pagbiyahe ng mga turista patawid sa Boracay o pabalik ng mainland Malay gayundin ang pag-disinfect sa mga pampublikong transportasyon.
Nauna dito, nagpalabas si Malay acting mayor Frolibar Bautista ng Executive Order No. 56 noong Disyembre 21 na obligado ang lahat ng mga residente at turista na magsuot ng full-coverage face shields kasama ang facemasks kapag lalabas ng kanilang mga bahay at hotels.