-- Advertisements --

Muling naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagtaas ng bilang ng mga pasaherong dumagsa sa mga pantalan sa Southern Tagalog ngayong araw, Disyembre 26.

Batay sa report na inilabas ng Coast Guard District Southern Tagalog ngayong araw, mayroong 9,974 outbound at 6,781 inbound passenger ang dumagsa sa mga pantalan mula 6:00 a.m hanggang 12:00 nn.

Ang mahigit 16,500 pasahero na dumagsa sa mga pantalan sa Southern Tagalog sa loob lamang ng anim na oras ay halos katumbas na ng mga biyaheng naitatala noong bago ang Pasko kung saan hinahabol ng mga pasahero ang makauwi sa kani-kanilang probinsya.

Kalimitan kasing umaabot mula 15,000 hanggang 20,000 pasahero o mas higit pa, ang naitatala ng PCG sa loob ng anim na oras na monitoring sa kasagsagan ng Christmas rush.

Pero nitong araw ng Pasko, 5,000 hanggang 10,000 na lamang ang naitala sa 6-hour monitoring ng PCG, batay na rin sa report nito.

Nananatili namang mataas ang bilang ng mga barkong bumibiyahe mula sa mga naturang pantalan kung saan kaninang umaga ay nagawa ng PCG na makapag-inspect ng hanggang 40 roll-on, roll-off vessel at 17 motorbanca.

Ang Southern Tagalog ang may saklaw sa Batangas port, isa sa mga pangunahing dinagsa ng mga pasahero sa kabuuan ng Christmas rush.