-- Advertisements --

Inanunsyo ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagpapalaya ng 1,000 na mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula noong Nobyembre hanggang nitong buwan ng Disyembre.

Sa tala ng komisyon, 625 ang nakatapos ng kanilang pinakamahabang sentensya, 134 rito ang na-acquit, 38 naman ang nasa probation, habang 190 ang nakatanggap ng parole, 11 din ang pinalaya sa pamamagitan ng habeas corpus, at ang isa ay ipinagkaloob ang mosyon para sa pagpapalaya nito.

Karamihan sa mga pinalaya ng BuCor ay mula sa iba’t-ibang mga pasilidad pangkulungan, kabilang na ang New Bilibid Prison, Correctional Institution for Women, at iba pang mga Prison and Penal Farm ng bansa.

Simula nang manungkulan si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, umabot na sa 18,422 ang kabuuang bilang ng mga pinalayang PDLs.

Sinabi rin ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na sa susunod na taon, ang mga PDL na nahatulan ng heinous crimes ay kwalipikado para sa Good Conduct Time Allowance (GCTA), matapos sabihin ng Korte Suprema na may karapatan silang makinabang mula sa nasabing batas.