Pumapalo na sa tatlong milyong mga Pilipino mula sa iba’t-ibang panig ng bansa ang nakaranas ng gutom dahil sa kakulangan sa pagkain kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.
Batay yan sa naging resulta ng isinagawang fourth-quarter survey ng Social Weather Station (SWS) mula Disyembre 12 hanggang Disyembre 16 noong nakaraang taon, na nilahukan naman ng nasa 1,440 na mga adult Filipino sa pamamagitan ng face-to-face interviews.
Batay sa fourth-quarter survey ng Social Weather Station (SWS), tumaas sa 11.8% ang hunger rate sa Pilipinas noong December 2021, mas mataas ito ng 1.8% kumpara sa 10% na naunang naitala noong Setyembre sa kaparehong taon.
Ngunit ang mga naturang datos ay mas mababa naman kumpara sa 16.8% at 13.6% na naitala ng SWS noong Mayo at Hunyo, noong panahon na mahigpit na nagpapatupad ng restriksyon sa paggalaw ang pamahalaan bilang pag-iingat sa pandemya ng kinakaharap ng bansa.
Sa Metro Manila nakapagtala ang ahensya ng pinakamataas na bilang ng mga pamilyang nagugutom kung saan pumalo sa 22.8% ang naitala noong Disyembre 2021 kumpara sa 14% na naitala naman noong Setyembre.
Sinusundan ito ng Mindanao na may 12.2%, at Visayas na may 9.7%.
Sa datos, lumalabas na nasa 9.2% o may katumbas na 2.3 milyon na mga pamilya ang bahagyang nagugutom o mga indibidwal na isang beses o minsan lamang nakakain sa nakalipas na tatlong buwan.
Habang nasa 2.6% o 657,000 na mga pamilya naman ang nakakaranas ng malalang pagkagutom o mga pamilya na madalas o palaging hindi nakakain sa nakalipas na tatlong buwan.