Umakyat pa sa kabuuang 191 ang bilang ng mga Pilipino sa Los Angeles, California USA ang nawalan ng bahay dahil sa pinsalang dulot ng wildfires.
Ayon kay Philippine Consul General in Los Angeles Adelio Angelito Cruz, ito ay katumbas ng 12 pamilya na humingi na ng tulong mula sa Konsulada at inaasahan aniya na maaaring patuloy na tumaas pa ang naturang bilang ng mga Pilipinong apektado sa mga susunod na araw habang nagpapatuloy ang puspusang pag-apula sa wildfires.
Sa kabila nito, tiniyak ng opisyal na ligtas ang lahat ng mga Pilipinong apektado ng wildfire na inilikas na patungo sa mga evacuation center sa LA county.
Sa ngayon, sinusuri na ng mga opisyal ng Pilipinas sa LA kung sakop ng housing insurance ang mga nasunog na bahay ng mga Pilipino doon.
Nauna naman ng nagpaabot ng pakikisimpatiya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipinong naapektuhan ng massive wildfire sa CA.
Hinimok naman ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong na mangyari lamang ay tumawag sa Konsulada ng Pilipinas sa LA sa numerong (323) 528-1528.
Base sa datos nitong Enero 13, kumitil na ang malawakang wildfire sa southern California ng 24 katao, tumupok sa mahigit 40,000 ektarya at puminsala sa mahigit 12,000 struktura at iconic landmarks sa entertainment capital of the world na LA.