Bumaba ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho noong Enero ng kasalukuyang taon sa kabila nang mas mahigpit na quarantine level noon sa Metro Manila, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, ang bilang ng mga unemployed adult Filipinos, o iyong edad 15 pataas, noong Enero 2022 ay pumalo sa 2.93 million, o katumbas ng 6.4 percent na unemployment rate.
Ito ay mas mababa kumpara sa 6.6 percent unemployment rate na naitala noon namang Disyembre 2021 at nasa 340,000 mas mababa kaysa 3.27 million na jobless Flipinos sa huling buwan ng nakalipas na taon.
Sinabi ng PSA na ang Central Visayas ang may pinakamataas na joblessness rate sa lahat ng mga rehiyon matapos na makapagtala ng 6.4 percent noong Enero.
Ang Cagayan Valley naman ang siyang may pinakamababang joblessness rate sa 4.3 percent.
Samantala, ang MIMAROPA ang siyang may pinakamataas na underemployment rate sa 25 percent, habang ang National Capital Region naman na may 9 percent ay ang mildest.