Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Hulyo ng kasalukuyang taon ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa press conference kaugnay sa Labor Force Survey results, iniulat ni PSA Undersecretary Dennis Mapa na tumaas ng 4.7% ang unemployment rate o sa 2.38 million ang bilang ng walang trabaho na edad 15 anyos pataas noong nakalipas na Hulyo.
Ito ay mas mataas kumpara sa 1.62 million walang trabaho noong Hunyo at 2.29 million na naitala noong July 2023.
Iniugnay naman ng PSA chief ang pagtaas ng bilang noong Hulyo sa kawalan ng trabaho sa mga kabataan edad 15 hanggang 24 anyos kung saan maraming fresh graduates mula sa kolehiyo at senior high school ang hindi nakahanap ng trabaho.
Samantala, maliban dito, ipinaliwanag din ni USec. Mapa na ilang mga sektor ang naapektuhan ng masamang lagay ng panahon na nagresulta sa mas mababang demand para sa trabaho.
Gayunpaman, inaaasahan aniya na muling sisigla ang employment demand ngayong nagsimula na ang ber months.
Pagdating naman sa underemployment rate, nasa 5.78 milyong Pilipino ang nagpahayag ng pagnanais na magkaroon ng karagdagang oras ng trabaho o magkaroon ng sideline o nais na magkaroon ng bagong trabaho na may mas mahabang oras ng trabaho.
Sa bilang naman ng mga Pilipinong may trabaho, bumaba ito sa 47.70 million noong Hulyo mula sa naitalang 50.28 million noong Hunyo. Ang 5 sub-sector na nag-ambag ng pinakamataas na taunang pagbaba sa kabuuang bilang ng mga may trabaho ay sa manufacturing, professional, scientific at technical activities, information and communication, mining and quarrying at human health and social work activities.