-- Advertisements --

Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa sa pagtatapos ng 2024.

Sa isang press conference ngayong Huwebes, iniulat ni Philippine Statistics Authority (PSA) chief at National statistician Dennis Mapa na nagtapos ang taong 2024 nang may 1.63 milyong Pilipino na walang trabaho noong nakalipas na taon na katumbas ng 3.1% unemployment rate.

Ito ay bahagyang mas mababa sa naitalang 1.66 milyong Pilipino na walang trabaho noong Nobiyembre 2024.

Nangangahulugan na nasa 34,000 Pilipino ang nagkatrabaho sa nasabing period.

Iniugnay naman ng PSA chief ang pagbaba ng bilang ng walang trabaho sa seasonal increase sa demand para sa mga manggagawa dahil sa holidays noong Disyembre.

Sa buong taon naman ng 2024, pumalo sa 1.94 million ang tinatayang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, bumaba ito mula sa 2.19 million na naitala noong 2023 o katumbas ng 3.8% year-on-year unemployment rate. Ito naman ang itinuturing na pinakamababang unemployment rate simula noong 2005.

Samantala, tumaas naman sa 50.19 milyong Pilipino ang may trabaho noong Disyembre 2024 o katumbas ng 96.9% employment rate.

Sa buong taon ng 2024, tumaas din ang bilang ng mga may trabahong Pilipino na nasa tinatayang 48.85 million, o katumbas ng 96.2% year-on-year employment rate.

Pagdating naman sa bilang ng underemployed, pumalo ito sa 5.48 million mula sa 50.19 milyong employed individuals noong Disyembre habang sa buong taon ng 2024, nasa tinatayang 5.8 million ang mga underempoyed individuals.

Sa isang pahayag naman sinabi ni National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na nagpapakita ang pinakabagong datos ng underemployed sa bansa ng pagbuti ng kalidad ng trabaho at mas kakaunting manggagawa ang naghahanap ng extra na trabaho.