Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa Pilipinas noong buwan ng Agosto ng kasalukuyang taon.
Sa press briefing ngayong Martes, iniulat ni Philippine Statistics Authority (PSA) USec. Dennis Mapa na base sa Labor Force Survey Preliminary Results noong Agosto, bumaba sa 2.07 million manggagawang Pilipino ang walang trabaho mula sa 2.38 million na naitala noong Hulyo.
Ito ay katumbas ng unemployment rate na 4.0% o 49 mula sa bawat 1,000 indibidwal sa Labor force ang walang trabaho o negosyo noong nakaraang Agosto 2024. Mas mababa kumpara sa unemployment rate noong July 2024 na nasa 4.7% at naitala noong Agosto 2023 na nasa 4.4%.
Ipinaliwanag naman ni USec. Mapa ang pangunahing nakapag-ambag sa pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa ay ang pagtaas ng bilang ng mga kababaihang nagkaroon ng trabaho sa iba’t ibang sektor base sa year on year sa pagitan ng Agosto 2023 – Agosto 2024 na pumalo sa 1.03 million.
Gayundin nakitaan ng improvement ang underemployment rate noong Agosto na bumaba sa 11.2% mula sa 12.1% noong Hulyo 2024 at 11.7% noong Agosto 2023. Ibig sabihin, nasa 5.48 milyong Pilipino ang ikinokonsiderang underemployed noong Agosto.
Samantala, pagdating naman sa employment rate, tumaas pa ito sa 96% noong Agosto o katumbas ng 49.15 milyong Pilipino ang may trabaho o negosyo sa nasabing buwan. Mas tumaas pa ito mula sa naitalang 95.3% na employment rate noong Hulyo 2024 at 95.6% noong Agosto 2023.