-- Advertisements --
image 460

Umakyat na sa 19 ang kabuuang bilang ng nasawing Pinoy sa malawakang wildfire sa Maui, Hawaii matapos na madagdagan pa ng lima ang nakumpirmang namatay.

Natukoy ng forensic ezperts ang 5 Filipino casualties sa pamamagitan ng DNA samples na ibinigay ng mga kamag-anak ng nasawing mga Pinoy sa Federal Bureau of Investigation.

Ang limang bagong natukoy na biktima ay sina Leticia Constantino, 56, mula Caoayan, Ilocos Sur; Raffy Imperial, 63, mula Naga City, Camarines Sur; Bibiana Tomboc Lutrania, 58, mula Pangasinan; Maurice Buen, kilala bilang “Shadow,” mula sa Ilocos; at Marilou Dias, 60, mula sa Hinunangan, Southern Leyte.

Samantala, unaccounted pa rin ang anak at ina ng ilan sa mga biktima.

Ilan sa limang bagong biktima tanging si Lutrania lamang ang mayroong impormasyon mula sa PH Consulate General office sa Honolulu. Huling nag-renew ito ng kaniyang pasaporte noong 2015 at walang impormasyon kung ito ba ay isa ng American citizen.

Batay sa kumpirmasyon ng mga kamag-anak at pamilya, nasa 11 pang Filipino at Fil-Am ang nananatiling nawawala.

Patuloy naman ang paghikayat ng lokal na awtoridad sa Maui sa publiko na i-report kung may mga nawawalang miyembro ng kanilang pamilya.

Magugunita na bumaba na sa 97 mula sa 115 ang kabuuang death toll sa Maui wildfire matapos na mapag-alaman sa pagsusuring isinagawa na nagkaroon ng multiple DNA samples mula sa ilan sa mga biktima.