-- Advertisements --

Nadagdagan pa ang bilang ng mga probinsyang idineklara bilang bird flu free o ligtas mula sa epekto ng avian influenza.

Batay sa bagong memorandum na inilabas ng Department of Agriculture (DA), ligtas na mula sa bird flu ang mga probinysa ng Isabela at Maguindanao Del Sur.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel, nag negatibo ang resulta ng ilang araw na surveillance sa mga naturang lugar, kasunod ng 90 days na paglilinis at disinfection process na isinagawa ng kagawaran.

Unang naitala sa probinsya ng Isabela ang tatlong kaso ng avian influenza (HPAI) subtype H5N1. Ang mga ito ay magkakasunod na-detect sa Cauayan City, Alicia, at Gamu, noong 2022.

Nakapagtala rin ang probinsya ng Maguindanao Del Sur ng tatlong kaso noong 2022 na pawang natukoy sa bayan ng Ampatuan.

Ayon kay Sec. Laurel, agad silang nagsagawa ng investigation, depopulation, at disinfection sa mga lugar kung saan natukoy ang mga naturang kaso, habang tuloy-tuloy ang ginagawang surveillance.

Samantal, maliban sa dalawang nabanggit na probinsya ay una nang naideklara na ligtas sa bird flu ang mga probinsya ng Camarines Sur, Davao del Sur, Rizal, South Cotabato, Ilocos Sur, Batangas, Capiz, Quezon, Aurora, Ilocos Norte, Pangasinan at Cotabato.