VIGAN CITY – Tinatayang mahigit 50,000 na overseas Filipino workers (OFW) ang nakatakda pang irepatriate ng Department of Labor and Employment.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan kay DOLE Sec. Silvestre Bello III, aabot na sa 478,000 ang bilang ng mga napauwing OFW sa bansa mula pa noong nagsimula ang COVID-19 pandemic.
Pare-pareho aniyang nabigyan ng P10,000 cash assistance kaya mayroon na umanong P10-bilyon ang naipaimigay sa mga repatriated OFWs.
Gayunman, $200 naman ang naibigay sa bawat OFW na nasa kanila pa ring deployment area ngunit hindi nakauwi dito sa bansa at kasalukuyang walang trabaho.
Ayon kay Bello, nais umano ni Presidente Rodrigo Duterte na matulungan ang lahat ng mga nasa formal, informal sector, overseas kabilang na rin ang mga side walk vendor.
Limang bilyong piso ang ibinigay ng presidente ng repatriation fund kung kaya’t tiyak umanong maibibigay ang pangangailangan ng mga OFW na nakatakdang umuwi sa bansa.