-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nakapagtala pa lamang ng 179 na turista ang isla ng Boracay simula nang muli itong buksan noong Oktubre 1.

Sa datos ng Malay Tourism Office, noong Oktubre 1 ay may 35 na bumisita kung saan lima ang taga Metro Manila, 19 ang taga Iloilo City at isa ang taga-Roxas City.

Noong Oktubre 2, nakapagtala ng 47 bisita. Dinomina ito ng mga Aklanon na may 39 at walo ang taga-National Capital Region.

May kabuuang 53 ang naitala noong Oktubre 3, kung saan 27 ang taga NCR at 21 ang Aklanon.

Oktubre 4 ay may 31; 15 dito ang taga NCR, dalawa ang taga Iloilo City at 13 ang taga Aklan at noong Oktubre 5 ay may 13 na mga bakasyunista, dalawa ang taga NCR, tatlo ang taga Iloilo City, dalawa ang taga Antique at anim ang taga Aklan.

Maliban dito, nadagdagan rin ang bilang ng mga hotels at resorts sa Boracay ang pinayagang magbukas sa ilalim ng new normal na umabot na sa 204 na may kabuuang 4,474 na kwarto.

May nakatalaga ang mga itong health and safety officer na tatawag sa Boracay Covid Hotline number 152 kung may mga bisitang magpapakita ng sintomas ng nakamamatay na sakit.

Sa kasalukuyan ang Boracay ay COVID free dahilan na patuloy ang paghikayat ng mga opisyal na magbakasyon sa isla upang mabuhay muli ang turismo sa bansa.