-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang unti-unti nang pagtaas ng bilang ng mga turistang bumibisita sa isla ng Boracay.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, inaasahan nilang madadagdagan pa ito sa susunod na mga araw makaraang mula sa anim ay gagawing siyam ang flights sa Catican airport simula sa Disyembre 16.

Maliban dito, malaking tulong rin aniya ang pag-uwi ng mga balikbayan kasama ang ilang immediate family members lalo na ngayong holiday season.

Maituturing umano ang mga balikbayan bilang pangunahing source market ng turismo sa bansa na lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Pagpasok aniya ng buwan ng Disyembre, pumapalo na sa 400 turista ang pumpasok sa Boracay bawat araw na karamihan ay nagmula sa National Capital Region (NCR).

Ang naturang bilang ay malayo umano sa average daily tourist arrivals na umaabot sa 3,000 hanggang 5,000 bago ang pandemya.