DAGUPAN CITY–Mas dumoble pa ngayon ang mga dumarating na turista sa pamosong Hundred Island National Park sa lungsod ng Alaminos dito sa lalawigan ng Pangasinan ngayong nagsimula na ang bakasyon at summer season.
Ito mismo ang kinumpirma ni Mike Sison , tourism officer ng naturang syudad sa ekslusibong panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.
Ayon sa opisyal, kung pagbabasehan ang bilang ng mga bisitang dumagsa sa isla ay masasabing dumoble ang tourist arrival ngayong taon.
Paliwanag pa nito, hindi lamang ang mga lokal na turista ang nahahalina sa kagandahan ng Hundred Islands ngunit maging ang mga dayuhan. Sa katunayan aniya, aabot na sa pitong libong turista ang dumarayo sa nabanggit na isla tuwing weekend. Karamihan naman umano sa mga ito ay mga European nationals.
Gayunpaman, kahit dagsa na ang bilang ng mga foreign at local tourist sa naturang lugar, tiniyak ni Sison nahindi magtataas ng singil ang mga bangkero sa kanilang motor bangka.
Wala rin aniyang pagtaas sa renta ng mga hotels na tinutuluyan ng mga turista.
Dagdag pa ng tourism officer na upang makahikayat ng mga maraming turista, mas pinaganda na ngayon ang mga pasilidad sa Hundred Island at nagdagdag ng ibat-ibang water adventure.