Sumampa na sa kabuuang 638 ang bilang ng mga naaksidente sa kalsada noong holiday season matapos madagdagan ng 32 bagong kaso ngayong araw ng Sabado, Enero 4, 2025.
Tumaas ito ng 30% mula sa sa naitalang Road Traffic Incidents noong 2023.
Sa datos ng Department of Health (DOH), mula sa kabuuang kaso, karamihan dito o 553 sa mga naaksidente ay hindi gumamit ng safety gears tulad ng helmet at seatbelt, ikalawang dahilan ng aksidente ay dahil sa motorcycle accidents na nasa 452 cases habang 117 naman sa naaksidente ay nakainom ng alak.
Nananatili naman sa 7 ang naitala ng DOH na nasawi kung saan 4 dito ay dahil sa motorcycle accident.
Bunsod ng pagdami pa ng naitatalang aksidente sa kalsada, muling nagpaalala ang ahensiya ngayong weekend na huwag magmaneho nang nakainom ng alak, magsuot ng safety gears, baunin ang disiplina sa kalsada at sundin ang mga batas trapiko at road sign.