-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ikinaalarma sa ngayon ng mga kinauukulan ang tumataas na bilang ng mga nagpapakamatay sa probinsya ng South Cotabato.

Ito ay kasunod ng naitalang 29 na bilang ng mga nagpapatiwakal sa iba’t ibang bayan sa probinsya simula noong Enero hanggang Hulyo ngayong taon.

Kaugnay nito, ipinag-utos na ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. ang pagpapatupad ng mental health program.

Ayon kay Tamayo, bubuo umano ito ng special body na makikipag-ugnayan sa Population Office at Integrated Provincial Health Office sa pagpapatupad ng nasabing programa.

Importante din umanong magkaroon ng psychiatrist sa probinsya na tututok sa mga may matinding problema.

Sunod-sunod na insidente ng pagpapakamatay ang naitala sa probinsya at ang pinakahuli ay nangyari noong Hulyo 10 kung saan isang lalaki ang nagbigti dahil umano sa iniindang sakit.