Umaabot na sa kabuuang 90 bangkay kabilang ang parte ng mga katawan ng biktima ang narekober mula sa landslide sa Maco, Davao de Oro.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maco, mayroon pang 37 katao ang nawawala.
Habang nasa 32 katao na nasugatan mula sa landslide ang naisalba ng mga rescuer.
Sa kasalukuyan, itinuon na ng mga awtoridad ang kanilang operasyon sa landslide site sa search and retrieval operation.
Nitong Miyerkules, inilibing na ang 9 na biktima ng landslide sa may Mawab Public cemetery habang ang iba naman na hindi pa natutukoy na mga narekober na mga labi ay inilibing sa mass grave base na rin sa rekomendasyon ng municipal health office.
Samantala, ang mga na-displace na residente naman dahil sa landslide ay inilipat na sa tent city mula sa mga paaralan upang maiwasan ang pagkaantala ng mga klase.
Naghahanap na rin ang lokal na pamahalaan ng relocation sites para sa mga na-displace na residente ng Masara.
Maalala na nangyari ng landslide noong Pebrero 6 na tumama sa 4 na barangay kung saan natabunan ang ilang kabahayan, isang barangay hall at ang terminal ng isang bus company.
Patuloy naman ang pahahatid ng tulong ng mga kinauukulan kabilang na ang 2 US Marine Corps KC-130 Hercules aircraft na idineploy para tumulong sa paghahatid ng mga suplay para sa mga biktima ng landslide.