-- Advertisements --

Nadagdagan pa ang bilang ng mga napaulat na nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Aghon sa bansa.

Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) spokesperson Edgar Posadas, 6 na ang napaulat na nasawi kung saan 1 pa lamang ang kumpirmado habang ang 5 iba pa ay kasalukuyan ng bineberipika.

Aniya, ang isang kumpirmadong patay ay isang 14 anyos na dalagita mula sa Misamis Oriental. Ito ay nagtamo ng multiple physical injury matapos mabagsakan ng nabuwal na puno.

Samantala, mayroong 8 katao din ang napaulat na nasugatan mula sa Bicol at Northern Mindanao base sa panibagong datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Pumapalo naman sa 36,143 katao ang apektado ng bagyo na karamihan ay sa dakong Calabarzon na nasa 19,180 indibidwal at sa Bicol nasa 10,349.

Inilikas naman sa evacuation centers ang nasa 16,426 katao o katumbas ng 4.076 pamily na karamihan ay sa Calabarzon din.

Mayroon ding 5,614 katao o 1,245 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa ibang lugar.

Nakapagtala din ng 22 kabahayan na napinsala sa Eastern Visayas.

Nasa 61 siyduad at bayan naman ang naibalik na ang suplay ng kuryente matapos makaranas ng power outage.