Umakyat pa sa bilang na 43 ang mga nasawi dahil sa masamang panahon na nararanasan sa maraming bahagi ng bansa mula noong Enero 1 ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon sa pinakahuling datos ng ahensya, 13 sa mga naiulat na namatay ay nasa Bicol, 12 sa Zamboanga, walo sa Northern Mindanao, pito sa Eastern Visayas, at tig-isa sa Mimaropa, Davao at Soccsksargen.
Sa ngayon, 20 pa lamang sa mga naiulat na nasawi ang kumpirmado habang ang iba ay kasalukuyang nasa proseso pa lamang ng verification.
Samantala, walong katao pa ang naiulat na nawawala at 11 ang sugatan dahil sa epekto ng sama ng panahon, na dulot ng mga low pressure area, shear line, at Northeast Monsoon.
Dagdag dito, ang pinsala sa agrikultura ay nagkakahalaga na ng mahigit sa P1 billion at sa imprastraktura na nagkakahalaga ng P523.1 million.
Nag-ulat din ang National Irrigation Administration ng P25.6 million na halaga ng pinsala.
Una na rito, idineklara ang state of calamity sa 85 lungsod at munisipalidad.