Umakyat pa sa 151 ang bilang ng nasawi sa pananalasa ng magkasunod na bagyong tumama sa Pilipinas noong Oktubre.
Sa datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes, may 21 katao din ang napaulat na nawawala at 134 indibidwal ang nasugatan.
Apektado sa nagdaang mga kalamidad ang mahigit 8.847 million indibidwal o katumbas ng mahigit 2.249 milyong pamilya mula sa 17 rehiyon. Karamihan sa mga matinding sinalanta ay sa Bicol region, sinundan ng CALABARZON at Central Luzon.
Sa mga apektadong populasyon, nasa 48,146 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center habang pansamantalang nanunuluyan ang nasa mahigit 106,000 pamilya sa ibang lugar.
Naitala ang mga insidente ng baha at landslide sa ilang mga apektadong lugar kung saan nasa kabuuang 217,425 kabahayan ang nasira.
Samantala, nagpapatuloy naman ang pamamahagi ng relief assistance ng pamahalaan para sa mga sinalanta ng bagyo na pumalo na sa mahigit P1.193 billion.