Umakyat na sa 51 ang bilang ng mga nasawi sa malawakang pagbaha noong Christmas weekend sa bahagi ng Visayas at Mindanao, ayon sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pinakahuling ulat ng insidente.
Karamihan sa mga namatay ay naiulat sa Northern Mindanao na may 25 na nasawi.
Ang rehiyon ng Bicol ay nagtala ng siyam na pagkamatay, habang ang Eastern Visayas ay limang pagkamatay; sinundan ng Zamboanga Peninsula at Davao region na may tig-apat na namatay; Caraga region na may tatlong nasawi habang nag-iisang nasawi ang naitala sa Mimaropa region.
Labing siyam na tao pa ang nananatiling nawawala habang 16 na iba pa ang nasugatan.
Kaugnay niyan, may kabuuang 13,814 pamilya o mahigit sa 50,00 indibidwal din ang nawalan ng tirahan.
Liban nito, ang pinsala sa agrikultura ay tinatayang nasa P245 milyon na habang ang pinsala sa imprastraktura ay umabot na sa P1.13 bilyon.