Nadagdagan pa ang bilang ng mga indibidwal na nasawi matapos ang mahigit 1 linggong pananalasa sa bansa ng dating Super Typhoon Julian na ngayon ay isang low pressure area na lamang.
Base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Biyernes, ang 4 na nasawi ay mula sa Ilocos region habang ang 1 naman ay sa Cagayan valley.
Sa napaulat na nasawi, 2 na dito ang kumpirmado kabilang ang 65 anyos na lolo sa Pasuquin, Ilocos Norte na namatay matapos malunod, habang ang isa namang Typhoon victim ay 25 anyos na lalaki mula Sta. Ana, Cagayan na nasawi matapos makuryente.
Sa ngayon, may isang indibidwal ang napaulat na nawawala sa Cordillera Administrative Region (CAR) habang 8 katao ang nasugatan sa hagupit ng nagdaang bagyo sa Cagayan valley.
Mahigit 69,000 pamilya naman ang nananatiling apektado sa Ilocos region, Cagayan valley at Cordillera kung saan mayroon pa ring 32 pamilya o 117 indibidwal ang nananatili sa evacuation centers.
Patuloy naman ang paghahatid ng pamahalaan ng relief assistance para sa mga sinalantang residente na umaabot na sa mahigit P1.327 million.