Lagpas na sa 200 ang bilang ng nasawi sa pananalasa ng Typhoon Yagi sa mga bansa sa Southeast Asia nitong Huwebes.
Sa pinakamatinding sinalantang bansa na Vietnam, tumaas na sa 197 ang naitalang nasawi habang 8 na rin ang kumpirmadong patay sa northern Thailand kung saan isang distrito ang dumaranas ng itinuturing na pinakamalalang baha sa nakalipas na 80 taon.
Nitong weekend nang tumama ang bagyo sa Vietnam na nagdadala din ng matinding mga pag-ulan sa iba pang mga bansa sa rehiyon gaya ng Laos, Thailand at Myanmar na nag-trigger sa mga landslide at malawakang river flooding.
Nag-isyu na rin ng flood warning ang Mekong River Commission ngayong Huwebes sa makasaysayang lungsod ng Laos na Luang Prabang. Inaasahan kasing umabot sa flood levels ang Mekong River sa naturang lungsod.
Samantala, pinakilos na rin ng Thai government ang kanilang militar para tumulong sa relief efforts at nagdeploy ng 3 helicopters para magsagawa ng aerial survey sa sitwasyon sa mga sinalantang lugar.
Sa Myanmar, pinakamantindi namang nakakaranas ng pagbaha sa may capital ng Naypyidaw. Kaugnay nito, sinuspendi ang mga biyahe ng tren sa pagitan ng Yangon at Mandalay dahil ilang linya ng tren ang binaha.
Samantala, milyun-milyong katao din sa rehiyon ang binaha ang kanilang mga bahay, nawalan ng suplay ng kuryente at napinsala din ang ilang mga imprastruktura dahil sa hagupit ng bagyo.