-- Advertisements --

Umakyat na sa 7 ang bilang ng biktimang nasugatan mula sa nasunog sa pampasaherong Air Busan Airbus plane patungong Hong Kong habang naghahandang mag-take off mula sa Gimhae International airport sa Busan, South Korea nitong gabi ng Martes, Enero 28.

Sa kabila nito, ligtas na nakalikas ang lahat ng 176 pasahero at crew members na lulan nito. Nasa 169 dito ay mga pasahero habang 7 ang crew members.

Ayon sa Fire authorities sa Busan nitong Miyerkules, 7 katao ang kasalukuyang ginagamot sa mga ospital para sa kanilang natamong minor injury mula sa sunog. Apat sa mga biktima ay crew members na dumaing ng chest discomfort dahil sa nalanghap na usok habang ang 3 naman ay mga pasahero na nasa edad pagitan ng 50 at 70 anyos na dumaing naman ng pananakit ng kanilang tailbone at likuran.

Inisyal na iniulat ng mga awtoridad na 3 ang nasugatan subalit binago ito kalaunan matapos ang masusing pagsusuri.

Base sa local news agency (Yonhap) sa SoKor, sumiklab ang sunog sa may buntot ng eroplano bandang alas-10:26 ng gabi, local time at naapula dakong alas-11:31 ng gabi subalit iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog.

Makikita naman sa footage na kumalat ang apoy sa may fuselage roof ng eroplano.

Sa kabila naman ng insidente, normal pa rin ang operasyon ng paliparan ngayong Miyerkules kung saan tuloy pa rin ang lahat ng 279 scheduled flights ngayong araw maliban sa 8 Air Busan flights na kinansela.

Ang pinakabagong insidenteng ito sa paliparan ng SoKor ay isang buwan lamang ang nakakalipas mula ng mangyari ang itinuturing na deadliest air disaster sa kasaysayan ng bansa noong Disyembre 29, 2024 matapos mag-crash ang Jeju Air plane galing ng Bangkok, Thailand sa may runway ng Muan Airport nang mag-emergency belly landing ito na kumitil sa 179 pasahero at crew members kabilang ang piloto habang 2 flight attendant lamang ang nakaligtas sa naturang trahediya.