Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na umabot na sa 15 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nasugatan sa 7.2 magnitude na lindol sa Taiwan isang linggo na ang nakalilipas.
Ayon sa DMW, ang 15 OFWs ay nakalabas na ng pagamutan matapos na malapatan ng lunas sa mga ospital.
Sa ngayon, nagpapagaling na anila ang Pinoy workers sa kani-kanilang company dormitories at accommodations.
Babalik anila ang mga ito sa ospital para sa kanilang follow-up consultations at check-ups.
Patuloy namang mino-monitor ng Migrant Workers Office sa Taipei (MWO-Taipei) gayundin ng kanilang employers ang kalagayan ng mga nasugatang OFWS.
Patuloy rin ang pakikipagtulungan ng MWO sa Kaohsiung at Taichung sa Manila Economic and Cultural Office (MECO).
Layon nitong matutukan ang sitwasyon ng mga apektadong Pilipino, at nang sa gayon ay maabutan sila ng kinakailangang tulong.
Kaugnay nito ay wala ring patid ang pagpapaabot ng tulong ng 6 member team na ipinadala ng DMW sa naturang bansa noong Lunes.
Pinangungunahan ito ni Migrant Workers Undersecretary Patricia Yvonne Caunan.
Kabilang sa mga nabangit na tulong ng grupo ang psychosocial support at food packs sa mga affected OFWs.
Nagpaabot din ito ng P30,000 na ayuda pinansyal sa mga manggagawang Pilipino na nasugatan dahil sa naganap na pagyanig.