Dumami pa ang bilang ng mga Pilipinong iniuri ang kanilang sarili na mahirap noong Setyembre base sa pinakabagong resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Stations.
Base sa survey na isinagawa mula Setyembre 14 hanggang 23, lumalabas na nasa 59% o 16.3 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap. Nadagdagan ito ng 300,000 mula sa 58% o katumbas ng 16 milyong pamilyang Pilipino na nagsabi na sila ay mahirap noong Hunyo.
Ayon sa SWS, ang Metro Manila ang may pinakamataas na bilang ng mga pamilyang Pilipino na nag-uri ng kanilang sarili bilang mahirap habang bahagyang bumaba naman sa Balance Luzon o labas ng Metro Manila at sa Visayas at Mindanao.
Lumabas din sa naturang pag-aaral na nasa 9.1% ng pamilyang Pilipino ang “Newly Poor” o hindi nakikita ang kanilang sarili na mahirap sa nakalipas na 1 hanggang 4 na taon.
Samantala, 2.3 milyong pamilyang Pilipino naman ang Usually poor at 11.5 million ang Always Poor.