-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Tumaas ang bilang ng mga taong namatay dahil sa rabies sa Negros Occidental nakaraang taong 2019 kung ihahambing sa taong 2018.

Sa rekord ng Provincial Veterinary Office, umabot sa 10 ang mga namatay dahil sa rabies nakaraang taon at ito ay mas mataas ng tatlo sa pito na naitala noong 2018.

Ang siyam na mga namatay ay kinabibilangan ng tig-dalawa sa Himamaylan City at Cauayan; habang may tig-isa naman sa Moises Padilla, Bago City, Sagay City, Toboso at Hinobaan.

Ito ay sa kabila ng pagbaba ng numero ng confirmed rabies cases sa lalawigan.

Batay sa data, bumaba ng 36 percent ang rabies cases noong 2019 na umabot lamang sa 20 mula sa 33 cases sa taong 2018.

Mula sa kabuuang 20, 19 dito ang nagmula sa iba’t-ibang bayan sa Negros Occidental at isa sa lungsod ng Bacolod.

Ngayong 2020, target ng Provincial Veterinary Office na maabot ang 70 hanggang 80 porsyento na populasyon ng mga aso na mabukanahan.