Lumobo pa sa pito ang naitalang patay sa pagtama ng malakas na magnitude 6.3 na lindol sa North Cotabato nitong Oktubre 16.
Batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nanggaling sa bayan ng Alamada, Cotabato ang dalawang nadagdag sa talaan ngunit hindi muna sila pinangalanan.
Bago ito, tinukoy ng NDRRMC na tatlo sa mga nakumpirmang namatay ay mula sa Region 11 o Davao Region; dalawa mula sa Region XII o SOCCSKSARGEN; habang isa naman mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Maliban sa mga ito, mayroon ding 93 sugatan sa mula sa tatlong nabanggit na rehiyon.
Sa kabilang dako, pumalo na sa 1,699 ang bilang ng mga napinsalang imprastruktura sa mga rehiyon ng Soccsksargen, Davao, at BARMM.
Pinakamarami sa mga nasira ay mga bahay na sinundan ng mga paaralan, health facilities, simbahan, at iba pang establisimyento.
Bunsod nito, inilagay na sa state of calamity ang mga bayan ng Makilala at M’lang sa Cotabato.
Ilalaan ang calamity fund sa pagtulong sa mga apektadong residenteng gaya ng relocation at pagkukumpuni sa mga nasirang bahay.