Umabot na sa 21 ang bilang ng petisyon na inihain sa Supreme Court (SC) na kumukuwestiyon sa ligalidad ng Anti Terror Act of 2020.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ay ang mga grupo ng blogger at social media influencer at nagpakilala ang mga itong concerned online citizens.
Naghain ang grupo ng Temporary Restraining Order (TRO) para hilinging ipatigil muna ang implementasyon ng naturang batas.
Nangangamba raw ang grupo na malabag din ang kanilang mga karapatan bilang mga indibidwal na aktibong nagpapahayag ng kanilang mga saloobin sa gobyerno at lipunan gamit ang socia media dahil sa naturang batas.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon sina Mark Averilla (Macoy Dubs) at Marita Dinglasan (Aling Marie), artist at writer na Juan Miguel Severo, blogger na si Jover Laurio (Pinoy Ako Blog), blogger at columnist na Tonyo Cruz, blogger at dating mambabatas na si Mong Palatino at mental health champion na si Dr. Gia Sison.
Tumatayong respondents sa kaso sina Executive Secretary Salvador Medialdea, mga miyembro ng Anti-Terrorism Council, Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Filemon Santos, Jr. at Philippine National Police Chief Archie Francisco Gamboa.