
Target ng pamahalaan na doblehin o triplehin pa ang bilang ng peacekeeping forces na ipinapadala sa iba’t ibang misyon ayon sa isang opisyal mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Batay sa data mula sa UN, tanging nasa 28 lamang ang bilang ng mga Pilipino sa UN Peacekeeping force.
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa sidelines ng Commemoration ng International Day ng UN Peacekeepers na nakapagpadala ang Pilipinas ng aabot sa 15,000 personnel sa iba’t ibang UN Peacekeeping missions simula noong 1963 subalit nabawasan ito sa nakalipas na 10 taon dahil sa iba’t ibang isyu.
Katulad na lamang ng Golan Heights kung saan ilang peacekeepers gaya na lamang halimbawa sa Haiti ay inakusahang lumabag sa karapatan ng mga mamamayan doon.
Nagkaroon din ng isyu sa pondo sa ilalim noon ni dati at yumaong Pangulong Aquino.
Nangako naman ang Department of National Defense (DND) na mananatili itong committed para magbigay ng pagsasanay at suporta sa mga ipinapadalang mga sundalo sa peacekeeping missions para mag garantiya ang kanilang kaligtasan at seguridad.
Una rito, sa ilalim ng United Nations charter, ang bawat Member State ay obligadong mag-ambag ng kani-kanilang share tungo sa pagpapanatili ng kapayapaan.
Ang UN General Assembly naman ay magbibigay ng pondo para sa iba’t ibang mga programa kabilang ang Peacekeeping missions nito base sa formula na binuo ng mga miyembro ng organisasyon.
Samantala, kinumpirma naman ng DFA na sinimulan na ng Pilipinas na mangampaniya upang makakuhang muli ng pwesto sa UN Security Council para sa taong 2027-2028.
Ayon kay DFA USec. Eduardo Jose De Vega, mahalaga ito para sa Pilipinas na naging dating miyembro na rin ng UN Security Council sa loob ng dalawang dekada.
Huling nahalal at nabigyan ng upuan ang Pilipinas sa Security Council ay para sa termino noong taong 2004 hanggang 2005.
Binubuo ng 15 miyembro ang UN Security Council na ang pangunahing responsibilidad ay mapanatili ang international peace at security.
Ang 5 permanenteng miyembro nito ay ang China, France, Russian Federation, United Kingdom, at United States.
Habang ang kasalukuyang temporary members ay ang Albania, Brazil, Gabon, Ghana, India, Ireland, Kenya, Mexico, Norway, at United Arab Emirates.
Matatandaan na sa naging speech ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa UN General Assembly noong 2022, hinimok ng Punong ehekutibo ang ibang mga bansa para suportahan ang layunin ng Pilipinas na muling makakuha ng pwesto sa Security Council kung saan binanggit ng Pangulo ang matagumpay na peace treaty ng Manila sa southern Bangsamoro region sa Pilipinas.