Inaasahan na umano ng gobyerno ng Bahamas ang mas lalo pang pagtaas ng bilang ng mga bangkay na kanilang narerekober mula sa paghagupit ng bagyong Dorian sa naturang bansa.
Sa huling tala, umabot na sa 30 katao ang patay ngunit posible pa raw itong tumaas.
Nagbabala na rin si Health Minister Duane Sands sa publiko na maghanda sa maaari pang mas nakakagulat na impormasyon hinggil sa death toll na ilalabas ng ahensya sa mga susunod na araw.
Patuloy naman ang pagpapadala ng ilang opisyal ng mga morticians at 200 body bags sa Abacos Island kung saan ito ang lugar na nagtamo ng pinaka-malalang pinsala.
Ayon sa ilang government officials, libo-libong katao ang hindi pa rin nahahanap ng kani-kanilang mga pamilya sa Abacos at Grand Bahamas.
Ikinakatakot naman ng International Red Cross na 45% o halos 13,000 kabahayan sa Grand Bahamas at Abacos Island ang nasira dahil sa bagyo.
Sa ngayon, unti-unti nang humihina ang Hurricane Dorian habang nasa South at North Carolina na ito.