Patuloy ang pagtaas ng numero ng mga scam calls sa bansa batay sa report ng anti-scam app Whoscall.
Dahil dito, binalaan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center ang publiko na huwag basta basta magpapaloko sa ganitong modus.
Kung maaalala, naipasa na sa Pilipinas ang SIM Registration Act noong 2022 na layong sugpuin ang ibat-ibang uri ng scam.
Ito ay sa kabila ng pagkontra ng ilang mga grupo at eksperto sa paniniwalang ang SIM card registration ay magdudulot lamang ng personal data at risk.
Giit pa nito na hindi ito magiging epektibo laban sa anumang uri ng fraud.
Batay sa datos , nangunguna pa rin ang text scams na may 648,239 scam messages na naitala sa unang bahagi pa lamang ng taong ito.
Mas mababa naman ito sa naitalang 1,143,268 scam messages sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sa kabila ng pagbabang ito ay tumaas naman ang mga naitatalang scam calls sa 225.17% katumbas ng 351,699 mula sa dating 108,157.
Pananawagan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center na suriing mabuti kung ang mga tawag at text messages ay nagmula sa lehitimong sources para hindi mahulog sa patibong ng mga scammers.