Umakyat pa sa 131 ang bilang ng mga indibidwal na nasugatan matapos tumama ang magnitude 7 lindol sa Abra, base sa latest report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRRMC).
Nananatili naman sa lima ang bilang ng mga nasawi.
Iniulat din ng NDRRMC na nasa kabuuang 12,945 indibidwal o 3,456 pamilya sa mahigit 149 barangay sa Cordillera ang apektado ng nagdaang lindol.
Sa ngayon, nananatili ang nasa 541 pamilya sa 21 evacuation centers habang nasa 567 indibidwal o 128 pamilya ang nanunuluyan naman pansamantala sa kanilang mga kaibigan o kamag-anak.
Sa kabuuan nasa 868 kabahayan ang naitalang pinsala kung saan 857 ang partially damaged at 11 naman ang totally damaged sa Cordillera.
Ayon pa sa NDRRMC, nasa 19 na kalsada ang hindi madaanan sa Ilocos, Cagayan at Cordillera.
Sa kasalukuyang datos din ng ahensiya, 17 imprastruktura na ang nakapagtala ng pinsala mula sa Ilocos region na tinatayang nasa P33,800, Central Luzon at Metro Manila.
Naibalik naman na ang suplay ng kuryente sa 36 na lugar mula sa 37 cities at municipalities na naunang napaulat na nakaranas ng power interruption.