KALIBO, Aklan — Malaki ang ibinaba ng bilang ng mga turistang dumadayo sa isla ng Boracay simula nang ibalik ang RT-PCR test requirement na naging epektibo noong Enero 9, 2022.
Ayon kay Malay Tourism Officer Felix delos Santos, mula sa dating 3,000 hanggang 5,000 na daily average na tourist arrival, umaabot na lamang ito sa mahigit 200 bawat araw.
Sa kabila nito, makakatulong aniya ang naturang patakaran upang mapigilan ang pagdami ng kaso sa isla.
Dagdag pa ni delos Santos na hanggang mataas ang banta ng Omicron variant, mananatili ang negatibong RT-PCR test result requirement 72 oras bago ang nakatakdang pagbiyahe.
Maliban pa dito ang vaccination card o certificate, valid ID, confirmed booking at travel details.
Tanging Caticlan airport na lamang ngayon ang pinapayagang daanan ng mga turista papuntang Boracay.
Muling ipinagbawal ang mga menor de edad na turista na 12 anyos pababa na makapasok sa isla.
Nakapagtala ang Boracay ng 44 kaso ng COVID-19, kung saan 17 dito ang tourism workers habang 27 ang turista.