Umabot na sa mahigit 100 vehicular accidents kada araw ang naitala ng Metropolitan Manila Development Authority na nangyayari sa Metro Manila.
Ayon sa ahensya, lubos daw na nakakaabala ito sa mga kalsada dahil sa dulot nitong traffic congestion lalo na kung hindi kaagad naiaalis ang mga sasakyang sangkot sa aksidente.
Dagdag pa rito, kinakailangan pa rin daw kasing hintayin ang pagdating ng mga pulis sa pinangyarihan ng aksidente para magsagawa ng imbestigasyon.
Kung kaya’t nakipagpulong na si MMDA Acting Chairman Atty. Romando “Don” Artes kay Deputy Insurance Commissioner Atty. Randy Serrano hinggil sa traffic management at gayundin sa pagproseso ng motor insurance claims.
Kaya naman bilang tugon sa nasabing isyu, sinabi ni Atty. Serrano na mayroon na silang inilabas na Insurance Commission hinggil sa traffic incident investigation report bilang alternatibo sa pagsusumite ng police report.
Dito ay nakapaloob ang mga mahahalagang impormasyon patungkol sa nangyaring insidente.
Ilan sa mga ito ay ang eksaktong lokasyon ng aksidente, detalye o impormasyon ng mga indibidwal na sangkot sa aksidente, mga witness, narrative description ng nasabing aksidente, mga litrato at iba pa.
Habang ang mga personnel ng MMDA at local traffic bureau ay otorisado na aniyang magpasa ng naturang traffic incident investigation report.