Puspusan ang pagsisikap ng mga crew at personnel ng Manila Electric Company (Meralco) para maibalik ang serbisyo ng kuryente sa nalalabing mga lugar na naapektuhan ng mga pag-ulan dulot ng Super Typhoon Carina at Habagat.
Nitong umaga ng Biyernes, bumaba na sa 125,000 konsyumer ang walang suplay ng kuryente na karamihan ay sa Metro Manila at Bulacan mula sa halos 400,000 apektado ng iniwang pinsala ng nagdaang kalamidad.
Ayon pa sa power distributor, kabilang din sa nalalabi pang mga apektadong customer ay sa bahagi ng mga lalawigan ng Rizal, Cavite, Laguna at Batangas.
Sa mga apektadong customer na sinusuplayan ng Meralco, mahigit 95,000 ang nasa binahang mga lugar.
Samantala, naghatid din ng libu-libong relief packs ang power distributor sa mga apektadong pamilya sa Barangay Sto. Domingo at Tatalon sa QC, Barangay Sto. Domingo sa Cainta, Rizal at sa Pasig city.