CAUAYAN CITY – Nasa pag-iingat na ng Cabatuan Police Station ang isang bilanggo na tumakas sa kanilang custodial facility.
Ayon sa PNP Cabatuan, may kasong robbery at carnapping ang naturang bilanggo na kinilalang si Elmer Esteban, 25-anyos.
Sinungkit umano nito ang padlock at sinamantala ang pagkakataon na walang nagbabantay kaya nakatakas.
Maari rin umanong nakatakas din ang kasama niya kung walang sakit.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Arturo Cachero, hepe ng Cabatuan Police Station na may dumating sa kanilang himpilan at inasikaso ng nagbabantay na pulis sa kanilang detention facility kaya sinamantala na ito ng bilanggo para buksan ang padlock gamit ang wire at lumabas sa likod ng kanilang himpilan.
Nangyari ito noong August 1 bandang ala-una ng hapon.
Nagkaroon ng hot pursuit operation hanggang sa mapunta sila sa Santa Victoria at Fuyo, sa lunsod ng Ilagan dahil nakikita umano doon ang naturang bilanggo.
Nakipag-ugnayan sila sa mga opisyal ng barangay gayundin sa City of Ilagan Police Station para mahanap si Esteban.
Nadakip naman siya sa bahay ng kanyang ama noong gabi ng Biyernes.
Aniya, may record na ito sa lunsod ng Ilagan dahil nahuli na noong 2015.
Gawain na umano niya na talagang magnakaw kaya gamay na niya ang pagbubukas o pagsira ng mga padlock para makapasok sa bahay o ano mang establisyemento.
Pinabulaanan naman ni PMaj. Cachero ang sinasabing katiwala nila ang naturang bilanggo at hinahayaang lumabas.
Istrikto aniya sila sa kanilang mga bilanggo at binigyang diin na ang naturang balita ay fake news.
Para hindi na ito maulit ay inatasan na niya ang mga nagbabantay sa kanilang detention facility na huwag iwan ang kanilang pwesto.
Payo naman niya sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na huwag nang tumakas at harapin na lamang ang kanilang kaso para malaman kung inosente sila o hindi at para hindi na madagdagan ang kanilang kaso.
Nagpasalamat naman siya sa lahat ng tumulong sa kanila para mahuli ang naturang PDL.